
Epstein Files, Naglantad ng Ugnayan sa Ilang Monarkiya
Ni: Gabriela Silang
Nagdulot ng panibagong kontrobersiya sa pandaigdigang antas ang paglabas ng pinakabagong Epstein files matapos lumitaw ang mga dokumentong nag uugnay kay yumaong financier Jeffrey Epstein sa ilang miyembro ng monarkiya sa Europa, kabilang ang sa United Kingdom at Norway.
Batay sa mga inilabas na dokumento, kabilang sa mga nabanggit ang dating Prince Andrew, na kilala rin bilang Andrew Mountbatten-Windsor at si Crown Princess Mette-Marit ng Norway. Ang mga papeles ay naglalaman ng mga email at tala ng komunikasyon na nagpapakita ng pakikipag ugnayan ng mga nasabing personalidad kay Epstein sa iba’t ibang panahon.
Sa Norway, humingi ng pampublikong paumanhin si Crown Princess Mette-Marit matapos lumabas na nagkaroon siya ng komunikasyon kay Epstein kahit matapos ang conviction nito noong 2008. Inilarawan ng Punong Ministro ng Norway ang insidente bilang “mahinang paghuhusga,” na nagbunsod ng diskusyon tungkol sa pananagutan at tiwala ng publiko sa institusyon ng monarkiya.
Samantala sa United Kingdom, muling napunta sa sentro ng atensyon si Prince Andrew matapos mapabilang ang kanyang pangalan sa mga bagong dokumento. Iniulat na patuloy na sinusuri ng mga awtoridad ang mga impormasyong may kaugnayan sa kanyang naging ugnayan kay Epstein. Matatandaang naalis na si Andrew sa kanyang mga opisyal na tungkulin at titulo bilang miyembro ng royal family dahil sa mga naunang isyu.
Nilinaw ng mga ulat na ang pagbanggit sa mga pangalan sa Epstein files ay hindi awtomatikong patunay ng ilegal na gawain. Gayunman, nagdulot ang mga pagbubunyag ng panibagong panawagan para sa transparency, masusing imbestigasyon, at pananagutan ng mga nasa mataas na posisyon sa lipunan.
ANO NGA BA ANG EPSTEIN FILES?
Mahigit 80,000 Kaso ng Suicide Naiulat sa Unang Apat na Linggo ng 2026
Ni: Gabriela Silang
Umabot sa tinatayang mahigit 80,000 kaso ng suicide ang naitala sa buong mundo sa loob lamang ng unang apat na linggo ng 2026, batay sa pinagsamang datos at pagtatantiya mula sa mga international mental health monitoring groups at ulat na ibinahagi sa social media platforms.
Ayon sa World Health Organization (WHO), ang suicide ay nananatiling isa sa mga pangunahing sanhi ng pagkamatay sa buong mundo, na may higit 700,000 kaso taun-taon batay sa pinakahuling global report nito. Samantala, ipinakita ng datos ng Centers for Disease Control and Prevention (CDC) ng Estados Unidos na patuloy ang pagtaas ng suicide-related deaths sa mga nakaraang taon, partikular sa sektor ng kabataan at young adults.
Bagama’t hindi pa pinal na opisyal na estadistika ang bilang na 80,000, iginiit ng mga eksperto na ang naturang datos ay nagpapakita ng seryosong kalagayan ng kasalukuyang mental health crisis. Ayon sa National Institute of Mental Health (NIMH), ang pagtaas ng mga ganitong kaso ay maaaring maiugnay sa matinding academic at work pressure, problemang pinansyal, social isolation at limitadong access sa mental health services, lalo na sa hanay ng kabataan at young adults.
Dagdag pa ng National Institute of Mental Health (NIMH), ang maagang interbensyon, bukas na komunikasyon at sapat na psychosocial support ay mahalagang hakbang upang mapigilan ang paglala ng ganitong mga kaso. Bilang tugon, patuloy na nananawagan ang iba’t ibang organisasyon na palakasin ang mental health awareness at prevention programs, lalo na sa mga paaralan at komunidad, upang matiyak ang agarang tulong sa mga nangangailangan.

DSPC 2026, Pormal nang Binuksan
Ni: Gabriela Silang
Opisyal na binuksan kaninang umaga bandang alas-otso ang Division Schools Press Conference sa Bangued West Central School, na dinaluhan ng 1,976 na mamamahayag pang kampus mula sa 64 na paaralan ng Elementarya at Sekundarya.
Nagbigay ng pambungad na mensahe si CID Chief Hedwig M. Belmes, kung saan binigyang-diin niya ang pananagutan ng mga kabataang mamamahayag sa kanilang mga sinusulat. Ayon sa kanya, “As a campus journalist you are responsible of what you write,” bilang paalala sa kahalagahan ng katotohanan at etika sa pamamahayag. Ipinahayag din niya ang kanyang labis na kasiyahan dahil ito ang pinakamalaking bilang ng mga kalahok na naitala sa DSPC.
Matapos ang pambungad na programa, isinagawa ang roll call ng 64 na kalahok na paaralan na pinangunahan ni G. Pedro Talingdan Jr., Education Program Supervisor sa Filipino.
Sa isang panayam, ipinahayag ni Lorraine Andres, editorial writer ng Corazon Publication ang labis na pagnanasa niya na makakuha ng karangalan sapagkat ibinuhos umano niya ang kaniyang oras sa pag-eensayo.
Agad namang nagsimula ang mga gawain para sa Unang Araw ng kumperensiya, kabilang ang mga patimpalak sa Pagbabalitang Panradyo, Pagbabalitang Pantelebisyon, Online Publishing, Pagsulat ng Lathalain, Pagsulat sa Agham at Teknolohiya, at Pagwawasto ng Kopya at Pagbuo ng Ulo ng Balita, bilang hudyat ng pormal na pagsisimula ng mga kumpetisyon.
- 0
- 0
- 0
- 0
Leave a Reply